Mahigit 34,000 eskwelahan, handa na sa in- person classes – DepEd

by Radyo La Verdad | May 31, 2022 (Tuesday) | 6435

METRO MANILA – Patuloy ang isinasagawang assessment ng Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH) para matukoy kung alin ang mga eskwelahan na handa na para sa pagbabalik ng full physical classes.

Batay sa datos ng DepEd, as of May 26 ngayong taon, nasa 34,238 na mga eskwelahan na ang nominado na magsagawa ng face-to-face classes.

Nasa higit 33,000 sa mga ito ang pampublikong paaralan habang 1,174 naman mula sa pribadong paaralan na katumbas ng 73.28% ng mga eskwelahan sa bansa.

Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, pinag-aaralan na nila ang 100% na implementasyon ng face-to-face set up ng mga mag-aaral mula sa elementarya hanggang high school.

Pero ayon sa kalihim dedepende pa rin sa magiging desisyon ng DepEd regional offices, at mga lokal na pamahalaan ang full implementation ng face-to-face classes.

Kailangan din nilang ikonsidera ang mga magulang at kahandaan ng mga paaralan.

Ayon naman kay Usec Diosdado San Antonio, pinag-aaralan pa ng kagawaran kung magpapatupad pa rin ng blended learning kahit ibalik na sa 100% ang face-to-face classes.

Binigyang linaw naman ng DepEd na hindi ire-require ang COVID-19 vaccines sa mga estudyante na magbabalik face-to- face classes.

Wala rin plano na dalhin ang COVID-19 vaccination sa loob ng mga eskwelahan.

Ayon sa DepEd, ipauubaya pa rin nila sa mga magulang ang pagdedesisyon kung nais nilang pabakunahan ang kanilang mga anak bilang paggalang sa kanilang constitutional rights.

Bagaman pabor sa face-to-face classes ang ilang mga magulang hindi pa rin nawawala ang kanilang pag-aalala lalo’t may banta pa rin ng COVID-19.

(JP Nuñez | UNTV News)

Tags: ,