Mahigit 32,000 pulis, ipapakalat sa undas kahit na walang namo-monitor na banta sa seguridad ang PNP

by Radyo La Verdad | October 29, 2018 (Monday) | 12611

Nakahanda na ang Philippine National Police (PNP) sa ipatutupad na seguridad ngayong darating na undas.

Ayon kay PNP Chief PDG Oscar Albayalde, mahigit 32,000 pulis ang kanilang ipapakalat sa mahigit apat na libong sementeryo sa buong bansa.

Ito ay upang mabigyang proteksyon ang labing apat na milyong Pilipino na inaasahang dadagsa sa mga sementeryo. Makakatulong din ng pulisya sa pagbabantay ang mga force multipliers mula sa mga lokal na pamahalaan, Civil Action Groups at Civilian Volunteer Organizations.

Ngunit paglilinaw ng PNP, wala silang namo- monitor na banta sa seguridad ng bansa ngayong undas.

Ipinaalala din ni Gen. Albayalde sa publiko na sumunod sa patakaran ng mga sementeryo at iwasang magdala ng mga ipinagbabawal na gamit.

Bukod aniya sa mga sementeryo, magbabantay din ang mga pulis sa mga bus terminal, train stations, airports at seaports upang masigurong ligtas ang mga uuwi sa kani-kanilang lalawigan.

Payo pa ni Chief PNP sa publiko, maging mapagmatyag at agad na i-report sa pulis kung may mapapansing kahina-hinalang kilos o inabandonang gamit.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,