Mahigit 300 pamilya na nasa iba’t-ibang evacuation center sa Cagayan de Oro, nagsiuwian na

by Radyo La Verdad | February 14, 2018 (Wednesday) | 4733

Gumaganda na ang panahon sa Cagayan de Oro City. Dumalang ang mga pag-ulan at mahihina na lamang hindi kagaya noong mga nakalipas na araw.

Kaya naman kahapon ng hapon ay nagsimula nang magsiuwi ang nasa tatlong daang mga pamilya na lumikas sa mga evacuation center sa syudad dahil sa banta ng bagyong Basyang.

Karamihan sa mga ito ay nakatira sa mga barangay na pawang mga landslide at floodprone areas.

Hindi na tumaas ang lebel ng tubig sa Cagayan at Iponan River tulad nang nangyari noong Disyembre nang manalasa ang bagyong Vinta.

Wala ring naitalang mga pagbaha, pagguho ng lupa o iba pang pinsala sa dako ng Cagayan de Oro maging sa lalawigan ng Misamis Oriental ang bagyong Basyang.

Balik na rin ang pasok ng lahat ng antas ng paaralan sa probinsya matapos itong kanselahin kahapon dahil sa masamang panahon.

Ngunit hindi pa rin pinahintulutan ng Phil. Coast Guard na bumyahe ang mga sasakyang pandagat sa Cagayan de Oro Port.

Isa sa mga ikinatuwa naman ng lokal na pamahalaan sa pagdaan nitong bagyong Basyang ay ang inisyatibo ng mga residente doon sa mga lugar na madalas na mapinsala ng kalamidad sa Cagayan de Oro City.

Sila na mismo ang nagkusang lumikas mula doon sa kanilang mga lugar kahit na hindi pa matindi ang mga nararanasang pag-ulan at wala pang pagbaha.

Ayon sa lokal na pamahalaan, magandang bagay ito dahil hindi na kailangang sapilitan ang gawing paglilikas sa mga residente.

 

( Weng Fernandez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,