Mahigit 300 mga pulis na may kaso, paglilinisin sa Pasig River

by Radyo La Verdad | February 6, 2017 (Monday) | 1156


Bibitbitin sa Malakanyang ni Philippine National Police Chief PDG Ronald Dela Rosa ang nasa 300 pulis na may mga kaso sa lalong madaling panahon alinsunod na rin sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Gen. Dela Rosa, kung siya ang tatanungin ay nais pa rin niyang isailalim sa retraining ang mga ito upang maibalik ang disiplina bilang bahagi nang kanilang ipinatutupad na internal cleaning.

Ngunit habang naghihintay sila ng desisyon mula sa pangulo, paglilinisin nila ng mga waterlily sa Pasig River ang nasa 387 na mga pulis mula NCRPO na may minor lamang na mga kaso.

Ang 387 na pulis ay kinabibilangan ng 15 police commissioned officer, 371 police non-commissioned officers at isang non-uniformed personnel.

Simula July 1, 2016 hangang January 30, 2017 nasa 46 na pulis na ang inalis ng NCRPO sa serbisyo, 63 ang nasuspinde, 4 ang nademote ang ranggo at 79 ang ipinadala na sa mindanao.

Bunsod ng mga insidenteng kinasasangkutan ng mga pulis, muling iginiit ni Dela Rosa na ibalik na sa kanila ang pagsasagawa ng training ng mga police recruits na ngayon ay nasa Philippine Public Safety College o PPSC.

Sa kasalukuyan, isinasailalim muli ng NCRPO sa isang buwan at kalahating disciplinary training ang mga bagong police na dumaan sa PPSC training bago pa bigyan ang mga ito nang assignment.

(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)

Tags: ,