Mahigit tatlong daang reklamo laban sa mahigit tatlong daang local chief executives ang ipinarating sa government hotline na 8888 at action center ng DILG simula 2016.
Kabilang sa mga reklamo ang hindi pagdideklara ng tamang impormasyon sa kanilang Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN).
Pangalawa aniya ay ang anomalya sa bidding at mga proyektong hindi aprubado ng sanggunian.
Kabilang din sa mga reklamong natanggap ng pamahalaan ay iligal na pagre-release ng pondo, unliquidated cash at nepotism kung saan puro magkakaanak ang nakapwesto sa gobyerno.
Ayon sa tagapagsalita ng DILG na si Assistant Secretary Jonathan Malaya, humingi na sila ng tulong sa CIDG kaugnay sa isasagawang imbestigasyon.
Nauna nang kinumpirma ni PNP Chief Oscar Albayalde na nagpadala ng ng subpoena ng CIDG sa tanggapan ng ilang lokal na opisyal.
Ang makakalap na impormasyon ng PNP ay ipapasa naman sa Ombudsman para sa pagsasampa ng kaukulang reklamo.
Pero para kay Political Science Professor Ela Atienza, maaari aniyang mabahiran ng kulay pulitika ang hakbang na ito ng DILG at PNP.
“Ang fear nila ay malapit na kasi ang election, yung timing din ng pagkakaroon ng investigation, ang nangyayari dati may mga instances na ang tatakbo o tumatakbo o kaya oposisyon o mga mayors, mga governors minsan nagagamit ang DILG para gipitin sila.” – pahayag ni Professor Ela Atienza.
Karamihan sa mga inireklamong lokal na opisyal ay mula sa Luzon, kasunod ang Visayas at pumapangatlo ang Mindanao.
( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )
Tags: DILG, local chief executives, SALN