Mahigit 278-million US dollar na conditional grant ng EU sa Pilipinas, hindi tinanggap ng pamahalaan

by Radyo La Verdad | May 19, 2017 (Friday) | 2595


Kaya ng mga Pilipino na tumayo sa sariling mga paa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Undersecretary Ernesto Abella, ito ang nais na iparating na mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte nang magdesisyon itong hindi na tanggapin ang mahigit 278-million US dollar grant mula sa European Union.

Ayon sa kalihim, ang naturang EU grants ay ukol sa ilang proyekto at programa ng pamahalaan na posibleng makaapekto sa otonomiya ng bansa.

Aniya may karapatan ang pamahalaan na tanggihan ang mga ayudang makababalakid sa pagpapatakbo sa bansa.

Ang EU ay isa sa mga kritiko ng anti-drug war ng Administrasyong Duterte.

Nilinaw naman ng Malakanyang na tanging ang conditional grant lamang ang hindi tatanggapin ng pilipinas mula sa EU.

Bukas pa rin ang pamahalaan sa iba pang financial assistance na ibibigay nito para sa economic development, poverty reduction at iba pa.

Ayon naman sa DTI hindi maaapektuhan ng desisyong ito ang relasyon ng Pilipinas sa trade block pagdating sa exportation.

Hindi rin ikinabahala ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia ang pagtanggi ng pamahalaan sa ilang milyong dolyar na tulong mula sa European Union.

Ang EU ang isa sa pinakamalaking nagbigay ng official development assistance and grants sa Pilipinas noong 2016 na umabot sa 217-million US dollars.

Tags: , , ,