Mahigit 2,500 na residente sa Sta.Cruz, Manila apektado sa nangyaring sunog, sumabog na LPG, itinuturong sanhi ng insidente

by Radyo La Verdad | December 4, 2015 (Friday) | 1511

72d9256f04ffb740467d53c8e81bbbe2a92cd5d26d3c9e65246d676178bfa5e7

Tinataya ng mga otoridad na mahigit sa 2,500 na mga residente o halos 500 pamilya ang nadamay sa sunog sa Brgy.310 zone 31 Sta.Cruz,Manila. Umabot ng tatlong oras ang sunog na nagsimula kaninang alas nueve ng umaga bago idineklara ng Bureau of Fire Protection na Fire out na ang sunog na umabot sa general alarm. Tinataya na halos limang milyon ang kabuoang halaga sa mga natupok na ari-arian.

Sa salaysay ni Regino Llanera, sa kaniyang inuupahang bahay na pagmamay-ari ni Alex Cayetano nagsimula ang sunog. Sinabi ni Regino na siya ay nag-init lamang ng tubig upang magkape, ngunit nagulat na lamang ito nang magliyab ng malaki ang apoy sa kaniyang kalan. Sinubukan umano niya na apulahin ang apoy ngunit walang nangyari matapos niya itong buhusan ng tubig. Sa taranta ni Regino ay minabuti nito na buhatin na lang palabas ang natutulog na limang taong gulang na anak.

Ayon pa kay Regino, masyadong mabilis ang pangyayari at sumabog na ang LPG at nadamay na ang kaniyang mga kapitbahay.

Isinisisi naman ng ilang mga residente ang mabagal na aksyon ng BFP at pinaratangan ang ahensya na wala namang mga tubig ang apat na naunang dumating na fire truck kaya lumala ang apoy. Ngunit bwelta ng BFP, hindi ito totoo, sa katunayan umano ay apat na pung fire trucks ang nagtulong-tulong upang apulahin ang apoy.

Sa ngayon,ang mga residente ay pansamantalang nanunuluyan sa covered court ng kanilang Brgy. Dumating naman si Manila Mayor Joseph Estrada at nangako sa mga residente ng ayuda pangunahin na ang pagbibigay ng pagkain sa mga biktima ng sunog.

(Meryll Lopez / UNTV-RADIO Reporter)

Tags: , ,