Mahigit 200,000 customers ng Maynilad, mawawalan ng tubig mula Sept. 27 hanggang Oct. 7

by Radyo La Verdad | September 24, 2019 (Tuesday) | 2491

Pansamatalang ititigil ng Maynilad Water Services Incorporated ang operasyon ng Putatan water treatment facility sa Muntinlupa City mula September 27 hanggang October 7.

Ayon kay Maynilad Water Supply Operations Head Ronald Padua kailangan  nilang ayusin ang planta upang madagdagan pa ang naisu-suplay nitong tubig sa mga customer.

Mula sa kasalukuyang 100 million liters per day na produksyon ng tubig galing sa Laguna lake, itataas ito ng Maynilad sa 150 mld.

Paliwanag ng Maynilad malaking tulong ang gagawing service improvement bilang paghahanda na rin sakaling magkaroon muli ng krisis sa suplay ng tubig mula sa Angat Dam.

 “Para mangyari yun kailangan namin i-shutdown po temporarily yung Putatan plant 2 sa loob ng 10 araw at inaasahan namin after that ay kaya na po naming i-operate ito at full capacity of 150mld,” ani Maynilad Water Supply Operations Head Ronald Padua.

Dahil dito, mawawalan ng tubig ang mahigit sa dalawang daang libong customers ng Maynilad sa lungsod ng Paranaque, Las Pinas, Muntinlupa at ilang bayan sa Cavite.

“Lumalabas sa loob ng 10 araw dahil average 9 hours yung supply availability meaning po merong 15 hours na interrupted or wala silang tubig everyday,” dagdag ni Mr. Ronald Padua.

Pinapayuhan ang mga residente sa apektadong lugar na mag-ipon ng tubig na sasapat lamang sa mga oras na walang suplay.

Para sa kumpletong listahan ng mga barangay na sakop at schedule ng water service interruptions, maaring bisitahin ang Facebook at Twitter accounts ng Maynilad.

Tinayak naman ng Maynilad na walang ipatutupad na dagdag singil sa mga customer ang gagawing service improvement dahil kasama na ito taripang binayaran sa nakalipas na taon.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,