Mahigit 2,000 residente, napaglingkuran ng medical mission ng UNTV at MCGI sa Binangonan at Pililia, Rizal

by Radyo La Verdad | November 22, 2018 (Thursday) | 22711

Dalawang magkahiwalay na medical mission ang isinagawa ng Members Church of God International (MCGI), Kamanggagawa Foundation Incorporated (KFI) at UNTV sa lalawigan ng Rizal.

Ika-25 ng Oktubre nang bisitahin ng grupo ang mga residente sa Brgy. Quisao sa Pililia, Rizal.

Isa sa mga naging benipisyaryo ng libreng serbisyo si Roberto Valenzuela, isang mangingisda at part time barangay tanod. Doble-kayod si Mang Roberto dahil sa hirap aniya ng buhay.

At sa kabila ng dalawang hanapbuhay, hindi pa rin sapat ang kaniyang kinikita sa kanilang pangangailangan lalo na sa gamot kapag nanghihina na ang kaniyang katawan sa sobrang pagod. Malaking bagay aniya na may mga grupong nagkakaloob ng mga libreng serbisyo para sa mga mamamayan.

Umabot sa 1,150 ang naging benipisyaryo ng libreng medical, pediatric at dental check-up at iba pang laboratory tests gaya ng ECG at CBG sa public service ng grupo.

Samantala, binisita rin ng grupo ang mga estudyante at kanilang mga pamilya sa Mahabang Parang National High School sa Binangonan, Rizal.

Ayon sa punong guro ng paaralan, karaniwang dinaramdam ng mga estudyante rito ang pananakit ng ngipin at vitamin deficiency.

Umabot naman sa 1,181 ang napaglingkuran ng grupo sa pagbisita sa naturang paaralan.

 

( Jennica Cruz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,