Mahigit 200 pamilya sa coastal barangay sa Tanza at Noveleta Cavite na lumikas noong Sabado, nakauwi na

by Radyo La Verdad | September 17, 2018 (Monday) | 3147

Bahagyang gumanda na ang panahon sa lalawigan ng Cavite kahapon.

Kaya naman ang mahigit dalawandaang mga pamilya sa mga bayan ng Tanza at Noveleta na lumikas patungo sa mga evacuation center noong Sabado sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Ompong, balik na sa kani-kanilang mga bahay.

173 na pamilya ay mula sa limang coastal barangays sa Tanza habang nasa 52 pamilya mula sa Barangay San Rafael 4 sa Noveleta.

Bago pauwiin ang mga ito ay binigyan sila ng relief goods ng lokal na pamahalaan. Kailangan pa rin umano ng mga ito ng ayuda, lalo na ang mga nabubuhay sa pamamagitan ng pangingisda dahil hindi pa rin ang ito makakapalaot dahil sa sama ng panahon.

Samantala, bunsod ng malalakas na hangin at along dala ng Bagyong Ompong ay isang barko ang sumadsad sa dalampasigan sa Barangay Julugan Tres sa Tanza.

Ayon sa Cavite PNP Maritime Group, ligtas naman ang crew ng barko at wala ring panganib na magkaroon ng oil spill dahil hindi naman ito napinsala.

Inaasahang kapag mas gumanda na ang panahon ay maiaalis na ang barko sa gilid ng dalampasigan.

 

( Benedict Samson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,