Mahigit 20 websites na konektado umano sa mga komunistang grupo, ipinapa-block sa NTC

by Radyo La Verdad | June 23, 2022 (Thursday) | 3768

METRO MANILA – Sa isang memorandum ng National Telecommunications Commission (NTC) na may petsang June 8, 2022, inaatasan ang mga internet service provider na i-block ang access sa mga website na konektado at sumusuporta umano sa mga terorista at teroristang grupo.

Pinagbatayan ng memo ang sulat ng National Security Council na may petsang June 6, 2022 kung saan hinihiling ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na i-block ang mahigit 20 mga website.

Kabilang dito ang website ng National Democratic Front of the Philippines at ni Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison.

Katwiran ni Esperon, designated ng Anti-Terrorism Council bilang mga terorista ang mga miyembro ng central committee ng CPP-NPA at ang NDFP.

Pero kasama rin sa pinapa block ang websites ng ilang mga organisasyon gaya Ng Bagong Alyansang Makabayan at Pamalakaya at ilang independent media gaya ng Bulatlat at Pinoy weekly.

Ayon kay Bayan Muna Chairperson Neri Colmenares, ang ginawang ito ni Esperon ay direktang pag-atake sa kalayaan sa pamamahayag at free expression.

Kung may dapat man umanong harangan ang NTC at Anti-Terrorism Council, dapat nila itong simulan sa mga nagpapakalat ng fake news na higit na mapanganib sa lipunan.

Mariin namang kinundena ng Bulatlat ang pagkakasama ng kanilang website sa pinapa-block ng NTC.

Tanong nila, ano ang ikinatatakot ng mga nasa kapangyarihan sa pagsasabi ng totoo?

Ayon naman kay Acting Presidential Spokesperson Secretary Martin Andanar, ang hakbang na ito ng NTC ay bilang tugon lamang sa request ng National Security Council alinsunod sa kanilang mandato.

May mga legal remedy pa naman aniya na maaaring gawin ang mga grupo kabilang na ang ilang online media organization na apektado ng nasabing memo.

(Allan Manansala | UNTV News)

Tags: ,