Mahigit 1K motorista, nasita sa unang araw ng pagpapatupad ng number coding

by Radyo La Verdad | August 17, 2022 (Wednesday) | 12854

Umabot sa 1,588 ang mga motoristang nahuli na lumabag sa pagapapatupad ng number coding nitong Lunes ng umaga, Aug 15.  Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority, karamihan sa mga ito ay nahuli sa kahabaan ng EDSA.

Binigyan lang ang mga ito ng babala, ngunit titiketan na ng MMDA ang mga lalabag simula sa Huwebes, August 18, kung saan 300 pesos ang multa sa bawat paglabag.

Ipinatutupad ang expanded number coding scheme simula alas syete hanggang alas diyes ng umaga at simula alas singko ng hapon hanggang alas otso ng gabi.

Samantala, sa kabila ng rush hour kapansin pansin ang pagluwag ng trapiko sa mga lansangan dahil sa number coding scheme.

Sa taya ng MMDA, mababawasan ng dalawampung porsyento ang kabuuang bilang ng mga sasakyan sa mga lansangan bunsod ng number coding.

Inaasahan ng ahensya na mas bibilis pa ang daloy ng mga sasakyan sa umaga kapag hinigpitan na ang pagpapatupad nito.

(Asher Cadapan, Jr. | UNTV News)

Tags: ,