Mahigit 130,000 sako ng bigas na inangkat mula Thailand, naka-quarantine sa Subic Port

by Radyo La Verdad | August 24, 2018 (Friday) | 7723

Binubukbok na habang ang ilan naman ay nasira na matapos mabasa ng ulan ang ilang sako ng bigas na nasa dalawang pantalan sa Subic Seaport Terminal.

Ang mga ito ay mga bigas na inangkat ng Pilipinas mula Thailand at Vietnam. Mahigit tatlong linggo na buhat ng dumating ang mga ito sa pantalan ngunit hindi agad naibaba dahil sa mga pag-ulan.

Kahapon, dahil maganda na ang panahon ay ininspeksyon na ang mga ito ng National Food Authority (NFA) at Bureau of Plant Industry (BPI).

Dito natuklasan na binubukbok na ang ilan sa isandaan at tatlumpu’t tatlong libong sako ng bigas sa Boton Pier.

Ayon sa NFA, dahil uminit ang temperatura sa kinalalagyan ng mga ito kaya dumami ang mga peste. Dalawandaan at dalawampu’t tatlo naman sa 120,000 sako ng bigas sa Naval Supply Depot Port ang nasira na dahil nabasa ng ulan.

Ayon sa BPI, ang mga bigas na binubukbok ay maaari pang isalba, kinakailangan lamang na agad na isailalim ang mga ito sa fumigation.

Ayon sa NFA, maaari pa naman kainin ang mga bigas matapos ang fumigation. Hindi rin nila papayagang maibaba ang mga imported na bigas kung hindi ito papasa sa gagawing pagsusuri ng mga eksperto ng Bureau of Quarantine.

 

( Leslie Huidem / UNTV Correspondent )

Tags: , ,