Mahigit 100,000 Pilipino sa California na nasa mga lugar na dadaanan ng wildfire, pinaghahanda sa paglikas ng DFA

by Radyo La Verdad | December 6, 2017 (Wednesday) | 8754

Mahigit 100,000 Pilipino sa California na nasa mga lugar na dadaanan ng wildfire, pinaghahanda sa paglikas ng DFA

Nagdeklara na ng state of emergency si California Governor Jerry Brown kasunod ng dalawang wildfire sa Estado. Aabot na sa 2,500 acres ang nilamon ng creek fire sa foothils ng Angeles National Forest North.

Napilitan ng lumikas ang mga residente ng San Fernando Valley. Pinalilikas na rin ang may dalawampu’t pitong libong residente ng Ventura County dahil sa thomas fire na aabot na sa 45,000 acres ang sinunog na lugar.

Ang thomas fire ang pinakamalaking wildfire na tumama sa Southern California kasunod ng pagtama ng Sta. Ana winds.

Tinatayang nasa isang daan at limampung istruktura na ang nasira dahil sa sunog at mahigit sa dalawang daang libong tao ang walang suplay ng kuryente. Mahigit sa isang libong bumbero na ang nagtulong-tulong upang apulahin ang sunog.

Samantala, inabisuhan naman ng Department of Foreign Affairs ang mahigit sa isang daang libong Pilipino sa mga lugar na dadaanan ng wildfire na maghanda sa paglikas sakaling ipag-utos ng lokal na pamahalaan.

Hinikayat din ng kagawaran ang ating mga kababayan na agad makipag-ugnayan sa Philippine Consulate General sa Los Angeles kung kailangan nila ng tulong.

 

( Cristy Rosacia / UNTV Correspondent )

Tags: , ,