Mahigit 1,000 residenteng apektado ng pag-aalburoto ng Mt. Mayon sa Albay, natulungan ng UNTV at MCGI

by Radyo La Verdad | January 29, 2018 (Monday) | 6725

Nasa mahigit pitumpung libong mga kababayan natin sa lalawigan ng Albay ang nanatili pa rin sa mga evacuation center dahil sa patuloy na pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.

Ayon sa pinakahuling tala ng Office of the Civil Defense Region 5, umabot na rin sa mahigit isandaang milyong piso ang naipagkaloob na tulong sa mga apektadong residente.

Mula ito sa lokal na pamahalaan ng Albay, Department of Social Welfare and Development, Department of Health, Department of Education at iba pang ahensya.

Ngunit marami pa rin sa mga kababayan natin ang idinadaing ang kakulangan sa pang araw-araw nilang pangangailangan kaya naman bukas pa rin na tumanggap ng tulong ang LGU sa mga private organization at citizens tulad ng ginawang relief at medical mission ng Members Church of God International at UNTV.

Laking tuwa ng mga Bikolano ng mabalitaang isang relief operation ang isasagawa ng Kamanggagawa Foundation Inc, Members Church of God International at ng UNTV sa kanilang lugar.

Tatlong kilong bigas, sotanghon noodles, hygiene kit at malinis na tubig inumin ang naipamigay sa mga displaced families na nasa evacuation centers.

Maliban sa relief operation, nakapagsagawa rin ang grupo ng medical mission sa Anoling Elementary School sa brgy. Tagaytay at Taladong Elementary School sa brgy. Taladong na pawang matatagpuan sa Camalig, Albay.

Mahigit isanlinbo ang kabuoang bilang ng mga natulungan sa ginawang relief operation at medical mission sa dalawang venue sa Camalig.

 

( Allan Mananasala / UNTV Correspondent )

Tags: , ,