Dumating sa Pilipinas ang karagdagang dalawang batch ng mga overseas Filipino worker mula sa bansang Kuwait nitong weekend.
Lumapag sa Ninoy Aquino International Airport ang apat na pung OFW noong Sabado sakay ng Philippine Airlines habang walumpu’t apat ang dumating kagabi sakay naman ng Qatar Airways.
Bahagi pa rin ito ng repatriation program ng administrasyong Duterte para sa mga undocumented at abused OFW mula sa Kuwait, alinsabay sa amnetsy program ng Kuwaiti Government na pinalawig pa hanggang ika-22 ng Abril.
Base sa datos ng Department of Foreign Affairs, 2,287 na Pilipinong household service worker, kabilang ang mga menor de edad ang nakauwi na sa Pilipinas mula sa Kuwait.
Dumagsa ang mga OFW sa Embahada ng Pilipinas sa Kuwait na gusto ng umuwi ng Pilipinas matapos magdeklara ang Pangulong Rodrigo Duterte ng deployment ban sa Kuwait bunga ng sunod-sunod na reklamo ng pang-aabuso o pangmamaltrato sa mga pinoy na nagtatrabaho roon.
Nagpasalamat naman ang ilang mga OFW na naka-avail ng programa at nakauwi na ng Pilipinas.
Ngayong araw ay inaasahan ang apat na pu’t limang repatriated OFW mula sa Kuwait na lalapag sa NAIA bandang alas syete ng umaga.
Nakaantabay na rin ang mga tauhan mula sa Overseas Workers Welfare Administration at Department of Foreign Affairs upang salubungin ang mga ito.
( Asher Cadapan / UNTV Correspondent )
Tags: Kuwait, Pilipinas, repatriated OFWs