Mahabang pila at matagal na oras ng biyahe ng MRT, inirereklamo ng mga pasahero

by Radyo La Verdad | June 15, 2017 (Thursday) | 4361


Bumuhos ang mga reklamo at batikos ng daan-daang mga pasahero na naapektuhan ng limitadong operasyon ng MRT kanina dahil sa isinasagawang system check sa lahat ng mga tren ng MRT.

Maaga pa lamang ay sinalubong ng mahabang pila ang mga pasahero sa ilang istasyon ng MRT.

Inulan din sila ng reklamo dahil sa mabagal na biyahe ng mga tren nito.

Mula sa dating 20 train set na tumatakbo tuwing peak hours, kanina ay 17 tren lamang ang nagsakay ng mga pasahero.

Ibinaba rin sa 20 kph ang speed limit ng mga tren, mula sa dating 40 kph, kaya naman ang dating 35 minutong byahe sa end to end station, ay inabot ng halos isang oras.

Paliwanag ng MRT management, hindi nila layong pahirapan ang mga pasahero, subalit kinakailangan anilang masuri at bagalan ang takbo ng mga tren, para sa kaligtasan ng mga sumasakay dito.

Upang maibsan ang mahabang pila, nag-deploy naman ang LTFRB at MMDA ng mga bus para umayuda sa ibang mga pasahero sa kaparehong presyo ng pamasahe sa MRT.

Una nang inianunsyo ng MRT management na sa Lunes pa nakatakdang bumalik ang normal na operasyon ng MRT.
Subalit posible pa anila itong mapaaga, dahil karamihan sa mga tren ay natapos nang suriin at wala namang anumang nakitang problema sa mga ito.

Joan Nano / UNTV NEWS Reporter

Tags: