Magulang ng 2 kawani ng UNTV na nasawi sa Maguindanao massacre, sinariwa ang ala-ala ng mga anak

by Radyo La Verdad | November 24, 2017 (Friday) | 3105

Malapit sa puso ng UNTV Correspondent na si Victor Nuñez ang pag-cover ng mga balitang may kinalaman sa pamamaslang sa mga mamamahayag, kaya masakit para kay ginang Catherine Nuñez na makita ang kaniyang anak na laman noon ng lahat ng pahayagan, radyo at telebisyon.

Kabilang si Victor sa mahigit tatlumpung mamamahayag na walang awang pinaslang sa Ampatuan Maguindanao noong November 23, 2009. Malaking kawalan din sa pamilya Evardo ang UNTV assistant cameraman at editor na si Julito na kabilang din sa mga pinaslang.

Ayon sa kaniyang ina na si Aling Juliet isa sa mga pangarap ni Julito ay mapatapos sa pag-aaral ang kaniyang mga kapatid.

Ang naulilang anak naman ng UNTV cameraman na si Delber “Macmac” Ariola ay walong taon na ngayon. Dalawang linggo pa lamang ito nang mapaslang sa Maguindanao ang ama.

Ayon kay Erlyn, sa kabila ng nangyari ay nais pa rin niyang matupad ang pangarap ni Macmac para sa kanilang anak na maging  isang kawani ng media.

Hindi biro ang pinagdaanan ng magkakapatid na Tiamzon sa pagkawala ng haligi ng kanilang tahanan. Si Daniel Tiamzon, ang driver ng UNTV na ibinaon sa lupa sakay ng marked vehicle.

Sa pamamagitan ng scholarship program ng National Union of Journalists of the Philippines ay nakapagtapos sa pag-aaral ang dalawa nitong anak at ngayon ay kapwa may hanap-buhay na.

Ang naulila naman nitong asawa na si Ginang Editha ay napatawad na ang mga pangunahing akusado sa krimen. Gayunpaman, hangad pa rin niya ang hustiya para sa kaniyang yumaong asawa.

Sa Buluan Maguindanao naman, sama-samang ginunita ng iba pang kaanak, kaibigan at mga tagasuporta ng mga biktima ang ika-walong taon ng Maguindanao massacre.

Pinangunahan ang komemorasyon ni Gov. Esmael “Toto” Mangudadatu.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,