Magma sa Taal Volcano patuloy na tumataas; mapanganib na pagsabog posible pa rin – Phivolcs

by Erika Endraca | January 21, 2020 (Tuesday) | 2383

METRO MANILA – Wala mang masyadong aktibidad na nakikita sa labas ng bulkang Taal ay hindi ibig sabihin nito ay kalmado na ang sitwasyon.

Dahil ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) may mga paggalaw pa rin silang nakikita sa ilalim ng bulkan gaya ng unti uting pagtaas ng magma nito.

Kaya ang patuloy umanong pagdami ng volcanic earthquake at pagtaas ng level ng sulfur dioxide ay indikasyon pa rin na maaari itong sumabog ng matindi anomang oras.

“So, baka lang kasi akala ng mga tao humuhupa lang, pero sa indikasyon na dumadami ‘yong gas, diyan natin pinapakita maliban sa lindol at ‘yong pamamaga ng bulkan na mayroong laman doon sa ilalim at baka ‘yon ang maging dahilan ng mga biglaang pagsabog kasi open system na y’ong volcano.” ani PHIVOLCS Director, Dr. Renato Solidum.

Base sa wind forecast ng Pagasa kung patuloy na magbubuga ng abo ang bulkan ng may 3-Kilometro ang taas ay mapapadpad ito sa ilang bahagi ng Cavite province.

Kung magkaroon naman ng malakas na pagsabog at lumagpas sa 5-kilometro ang taas ng ibubugang abo ng bulkan posibleng umabot ang ash fall sa Metro Manila, Laguna, ilang bahagi ng Rizal at Northern Quezon.

Sa kasalukuyan ay nakataas pa rin ang alert level 4 sa bulkang Taal at mariin pa ring nagpapa-alala ang PHIVOLCS ng total evacuation sa mga lugar sa loob ng 14 kilometer danger zone mula sa Taal volcano.

(Grace Casin | UNTV News)

Tags: