Maglive-in partner na illegal recruiter, huli sa entrapment operation ng CIDG-ATCU

by Radyo La Verdad | July 4, 2018 (Wednesday) | 3239

Hindi nakapalag ang mag-live in partner na sina Leonora Ambat at Rioveros Reigo nang arestuhin ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group Anti-Transnational Crime Unit sa isang fastfood chain sa Antipolo City.

Ayon kay CIDG-ATCU Chief PSupt. Roque Merdegia Jr., sina Ambat at Reigo ay inireklamo ng illegal recruitment ng apat na indibidwal.

Pinangakuan umano sila na makakapagtrabaho bilang farm at factory worker sa Japan. Hiningan sila ng tig 15-45 libong piso para umano sa processing fee kapalit ng 80 libong pisong buwanang sweldo. Subalit itinanggi ng mga suspek na pinagkakitaan lang nila ang mga nirerecruit.

Ayon sa CIDG, walang lisensya ang maglive-in partner mula sa POEA para mag-recruit ng mga OFW patungo sa kahit saang bansa. Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong estafa at illegal recruitment.

Nanawagan din ang CIDG sa mahigit 30 pang nabiktima ng mga suspek na magtungo sa kanilang opisina upang makapagsampa ng reklamo.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,