Mag-ingat sa mga substandard na bakal – DTI

by Jeck Deocampo | January 28, 2019 (Monday) | 8206

PAMPANGA, Philippines – Pinag-iingat ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga consumer na huwag tangkilikin ang mga hardware at planta na nagbebenta ng substandard na bakal. Noong ika-25 ng Enero, Biyernes naglibot ang ahensya sa mga hardware at planta ng bakal sa Pampanga.

Ilan sa mga hardware sa Angeles City ang nahulihan na nagbebenta ng substandard na bakal. Ayon sa DTI, dapat ay may nakasulat na pangalan ng manufacturer o kung sino ang gumawa ng ibinibentang bakal

Ani DTI Undersecretary Ruth Castelo, “may mga retailers kasi, lalo na yung mga rerolled bars, na walang embossment ng logo ‘yung markings ng manufacturer. ‘Yun bawal talaga ‘yun. Tapos ‘pag hindi pa pumasa sa standard, ‘yung retailer ang pini-penalize natin. Malaki rin ang penalty niyan kinu-confiscate pati ‘yung goods.”

Samantala, isang pagawaan naman ng bakal ang ipinasara ng DTI noong Biyernes dahil sa sari-saring paglabag. Ayon sa DTI, una na itong pinatawan ng suspension order ng Bureau of Philippine Standard noong ika-21 ng Enero ngunit nagpatuloy pa rin ito sa operasyon.

“Sinisiguro lang natin na hindi sila nagpo-produce kasi may suspension order nga pero nakita natin continuous ang production despite receipt of the suspension order ng DTI. Mayroon rin mga issues tayong nakita on labor standards, ‘yung DOLE nandiyan,” ayon kay DTI Undersecretary Castelo.

Aabot sa 1,800 bundle ang substandard na bakal na nakita sa planta. Bawat isang bundle ay may 250 piraso ng 6-meter na bakal. Upang masiguro na hindi na makakapag-operate, nilagyan ng selyo ng DTI ang production area ng planta.

Nagbabala ang DTI na mapanganib na gamitin ang bakal na hindi pumasa sa kanilang safety standards.

(Leslie Huidem | UNTV News)

Tags: , ,