Mag-asawang taga-Marawi, may munting kahilingan kay Kuya Daniel Razon

by Radyo La Verdad | November 21, 2017 (Tuesday) | 4672

Taong 2000 nang lumuwas ng Maynila mula sa Marawi City sina Basher at Potresarah Mangondato.

At dahil mga Maranao, pagnenegosyo ang kanilang alam na pagkakitaan para makaraos sa araw-araw at maitaguyod ang kanilang pitong anak.

Sa palengke ng Taytay, Rizal sila napadpad at nakipagsapalaran. Pagtitinda ng damit, sandals at iba pang kalakal ang kanilang hanap-buhay.

Ngunit naapektuhan ang kanilang kabuhayan nang ma-stroke si Aling Potresarah noon 2009, nasundan pa ito nang ma-stroke din si Mang Basher noong 2014. Dito nagpasya ang mag-asawa na umuwi na lamang sa Marawi at ipagpatuloy na lamang ng kanilang mga anak ang pagtitinda sa palengke.

Ngunit sa ‘di inaasahang pagkakataon, sumiklab naman ang digmaan sa Marawi kaya napilitan silang lumikas at manuluyan sa mga kamag-anak sa Iligan City.

At sa kanilang pagbabalik sa kanilang tahanan sa barangay Saber, Marawi City, gusto ng mag-asawa na huwag maging pabigat sa kanilang mga anak.

Sa edad na anim na pu’t tatlo nais pang magbanat ng buto ni Mang Basher ngunit napipigilan na siya ng kaniyang karamdaman. Wala silang magawa kundi umaasa sa tulong ng DSWD.

Naisip niyang humingi ng tulong kay Kuya Daniel nang makita ang mga crew ng UNTV na nagco-cover sa Marawi City.

Tiwala si Mang Basher na maipagkakaloob ni Kuya Daniel ang kaniyang munting kahilingan dahil nasubukan na niya ang public service ng UNTV nang makasakay siya sa Libreng Sakay sa bus ng himpilan.

 

( Jun Soriao / UNTV Correspondent )

Tags: , ,