Ikinatuwa ng Alliance of Concerned Teachers partylist ang mabilis na pag-aksyon ng Korte Suprema sa inihain nilang petisyon laban sa memorandum ng Commission on Higher Education na nag-aalis ng lahat ng Filipino at Panitikan subjects sa general education (GE) curriculum sa kolehiyo.
Batay sa CHED memo number 20 na ipinalabas noong 2013, mula sa 51 hanggang 63 units, gagawin na lamang 36 units ang GE units para makatugon sa K-12 program na nakatakdang ipatupad sa 2016. Kabilang nga sa mga subject na tatanggalin ay ang Filipino at Panitikan.
Pero ayon kay ACT partylist Rep. Antonio Tinio, labag ito sa Saligang Batas dahil mandato ng Estado na paunlarin at palawakin ang wikang Filipino sa lahat ng antas ng edukasyon.
Dahil sa temporary restraining order na ipinalabas ng Korte Suprema, hinimok ni Tinio ang CHED na rebisahin na lamang ang memo at muling ibalik ang asignaturang Filipino sa kolehiyo.
Samantala paninindigan pa rin ng CHED ang Memorandum no. 20 at maghahain ito ng komento sa loob ng 10 araw gaya ng ipinagutos ng Supreme Court.
Ayon kay CHED Executive Director Julito Vitriolo, inililipat lamang sa senior high school ang pagtuturo ng Filipino sa halip na sa kolehiyo at sa 2018 pa aniya ipatutupad ang naturang memo ng ahensya.(UNTV Radio)
Tags: Alliance of Concerned Teachers, Antonio Tinio, CHED memorandum order no.20, Filipino, general education curriculum, Panitikan, Supreme Court, temporary restraining order