Mabagal na tulong sa magsasaka ng Sugar Regulatory Administration at Landbank, binatikos ng mga senador

by Erika Endraca | August 16, 2019 (Friday) | 4970

MANILA, Philippines – Dismayado ang Chairperson ng Senate Committee on Agriculture and Food na si Senator Cynthia Villar dahil sa mabagal na pagpapadala ng tulong sa sugar cane farmers sa ilalim ng Sugar Cane Industry Development Act.

Noong 2016, mula P2 -B na inilaan ukol dito ay bumaba na ang budget sa P500-M nitong 2019 na ibinibigay ng Budget Department. Ang pagbaba ng budget ay dahil na rin sa hindi nagagastos na pondo kada taon kabilang na ang pautang dapat sa mga magsasaka.

“Why you cannot spend 1 billion every year for infra ng sugar industry when nagmamakaawa na yung sugar industry na kailngan nila, sana binigay ninyo na lang sa senado at kami na lang nagidentify”ani Senate Committee on Agriculture & Food Chairperson, Sen. Cynthia Villar.

“We have identified farm to mill roads  to 2022” ani Sugar Regulatory Administration Administrator, Hermenigildo Serafica.

Pinuna naman ni Senator Juan Miguel Zubiri ang Landbank kung bakit hindi ito gumagawa ng paraan upang mailapit at maging madali sa mga mahihirap na magsasaka ang pag-utang.

“Natatakot sila pumasok sa Landbank dahil una naka-tsinelas tapos butas butas ang pantalon, kapag nakita ng manager yan, unang una hindi na sila papansinin” ani Senate Committee On Agriculture & Food Chairperson, Sen. Juan Miguel Zubiri.

Tiniyak naman ng bagong kalihim ng Agriculture Department na ire-review ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas na ito. Maging ang pagpapalakas ng kooperatiba ay nais rin niyang tutukan.

“Cooperatives , farmers association ,ito’y palakasin mo na hindi lang production ang aasikasuhin nila bagkus yung value adding processing atsaka market” ani Department of Agriculture Sec. William Dar.

Kung hindi ito mareresolba, pinangangambahan ng mga senador ang 5M Pilipino na maapektuhan sakaling bumagsak ang sugar cane industry.

(Nel Maribojoc | Untv News)

Tags: ,