Mabagal na pagbibigay ng tulong ng national gov’t para sa mga residenteng inilikas sa Albay, inirereklamo ni Gov. Bichara

by Radyo La Verdad | January 22, 2018 (Monday) | 2716

Mahigit nang isang linggong nanatili sa mga evacuation center ang nasa 27 libong mga residente na inilikas ng provincial government ng Albay simula ng magbuga ng makapal na abo at lava ang Bulkang Mayon noong January 13.

Dahil dito, umaapela ngayon ng agarang tulong ang Albay Provincial Office sa national government upang masustinehan ang pangangailangan ng mga evacuees.

Lubhang malaking pondo na anila ang nagagastos ng provincial government ng Albay para sa pagpapakain sa libo-libong mga pamilya na nananatili pa rin ngayon sa mga evacuation center dahil sa banta ng pagsabog ng Bulkang Mayon.

Ayon kay Albay Governor Al Francis Bichara, umaabot sa mahigit 1.4 million pesos kada araw ang kanilang nagagastos para sa pagpapakain lamang ng mga evacuees. Bukod pa dito ang milyong pisong halaga na kanila ring inilalaan para naman sa mga gamot dahil nagsisimula na ring magkasakit ang ilang mga bata sa mga evacuation center.

Tila dismayado naman si Albay Provincial Governor Al Francis Bichara, sa aniya’y mabagal na pagbibigay ng pangakong tulong ng national government para sa kanilang lalawigan.

Sa ngayon ay nakapag-abot na ng nasa 22 million pesos na tulong ang DSWD at Department of Health, habang nasa 19 million pesos naman ang Department of Education.

Una nang humirit ng 50 million pesos na dagdag ayuda si Bichara kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque dahil inaasahang tatagal pa ng ilang buwan sa mga evacuation center ang ilang residente.

Samantala, nananatili pa ring nakataas sa alert level 3 ang banta ng Bulkang Mayon dahil sa patuloy na pag-aalburuto nito. Base sa pinakahuling monitoring ng Philippine Institute of Vulcanology and Seismology o PHILVOCS, naitala ang 14 na rockfall events at patuloy pa rin ang pagbuga ng bulkan ng abo at lava.

Bahagya pa ring mataas ang sukat ng sulfure dioxide na umaabot pa rin sa 954 tons per day, mula sa baseline nito na 500 tons per day. Isa ito sa mahigpit pa ring binabantayan ngayon ng PHILVOCS na maari anilang magdulot ng pagbulwak ng magma.

Ayon kay Ma. Antonia Bornas ang hepe ng Volcano Monitoring and Eruption Division ng PHILVOCS, sa ngayon ay mababa pa ang sukat na ito upang tuluyang umakyat ang magma mula sa ilalim ng bulkan.

Patuloy pa rin nila binabantayan ang aktibidad ng bulkan upang matukoy ang posibleng pagsabog nito.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,