Lugi ng mga magsasaka dahil sa mababang presyo ng palay, tinatayang aabot sa P114-B sa isang taon – Sec. Piñol

by Erika Endraca | July 18, 2019 (Thursday) | 7945

MANILA, Philippines – Tinatayang aabot sa P114-B ang lugi ng mga magsasaka kung mananatiling mababa ang presyo ng palay.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, dumadaing ang mga magsasaka dahil nasa P12-14 na lamang presyo ng palay ngayon na dating P20 kada kilo.

Nagsimulang bumagsak ang presyo ng palay mula ng ipatupad ang rice tariffication law noong Marso. Tinukoy ng kalihim ang pagluwag ng importasyon kung saan malaki aniya ang kita ng mga trader.

Mababa naman aniya ang halaga ng mga imported na bigas tulad halimbawa ng mula sa Myanmar na mahigit sa P18 lamang ang presyo kada kilo pagdaong piyer.

Dahil sa Rice Tariffication Law, wala na ring kapangyarihan ang National Food Authority (NFA) sa regulasyon ng bigas sa bansa.

“Masyadong ganadong magimport yung mga trader right now kasi feeling nila wala ng magko-control sa presyo ng bentahan ng bigas sa palengke. So napakalaki ng margin of profit nila” ani Department of Agriculture Sec. Manny Piñol.

Ang presyo ng bigas sa palengke ay nasa P32-70 na. Bumaba ito ng 1-2 piso kada kilo. Pero malayo ito sa inaasahang P7 mababawas sa presyo ng bigas kapag ipinatupad ang Rice Tariffication Law.

Ang naisip na solusyon ng da ay ang paglalagay ng Suggested Retail Price (SRP) sa commerial rice. Sa susunod na linggo inaasahang maglalabas ng SRP ang DA. Maglalaro sa 35 hanggang 38 pesos ang kada kilo ng commercial rice.

“We would like to address the greed of some importer doon sa markup nilang napakalaki by setting a cap on the selling price of imported rice” ani Department of Agriculture Sec. Manny Piñol.

Ayon sa kalihim, ang pagpapatupad ng SRP ay base sa price act kung saan maaaring magpataw rin ng parusa sa mga lalabag. Dati nang nagpatupad ng SRP sa bigas ang NFA subalit nawalan ito ng bisa matapos ipatupad ang Rice Tariffication Law.

Dagdag pa ni Piñol, walang nakasaad sa tarrification law na limitasyon sa mga papasok na bigas sa bansa subalit maaaring magutos ang pangulo ng pagtaas ng buwis kapag sobrang dami na ng supply.

(Rey Pelayo | Untv News)

Tags: , ,