LTO, hihingi ng tulong sa PNP para mapaigting ang laban sa colorum PUV

by Radyo La Verdad | November 6, 2023 (Monday) | 7931

METRO MANILA – Plano ng Land Transportation Office (LTO) na humingi ng tulong mula sa Philippine National Police (PNP) para madagdagan ang kanilang pwersa at mapalakas ang kampanya laban sa pagkalat ng mga colorum Public Utility Vehicles (PUV) o mga hindi rehistradong pampublikong sasakyan sa buong bansa lalo na sa Metro Manila.

Layon ng naturang hakbang na matugunan ang mga alalahanin ng transport groups sa bansa sa patuloy na operasyon ng mga kolorum sa kalsada na nagpapahirap sa kanilang kabuhayan.

Daing na kasi ng mga nasa sektor ng transportasyon ang pagkawala ng halos 30% ng kanilang kita dahil sa pamamayagpag ng mga hindi sumusunod sa batas.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, ang karagdagang pwersang magmumula sa PNP ay malaking tulong para matigil na ang nasabing ilegal na operasyon ng mga taong nasa likod nito.

Inaasahan din ng opisyal na sa pamamagitan nito, magiging matindi ang anti-colorum drive ng kanilang ahensya kasama ang pwersa ng Highway Patrol Group (HPG) at ang territorial units ng pambansang pulisya .

Tags: , ,