LTFRB, tila hindi pa handa sa implementasyon ng jeepney modernization program ayon sa ilang kongresista

by Radyo La Verdad | October 20, 2017 (Friday) | 2790

Tila hindi pa handa ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB para sa implementasyon ng jeepney modernization program ng pamahalaan.

Ayon kay House Transportation Committee Chairman Representative Edgar Erice, kulang pa rin umano ang information dissemination ng ahensya upang ipaabot sa mga jeepney operator at driver kung papaano ipatutupad ang programa.

Maaring isa umano ito sa mga dahilan kung bakit tutol ang mga ito at nagsasagawa ng mga kilos-protesta laban sa programa.

Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Transportation kaugnay sa isyu, sinabi ng mga kongresista na dapat na ilatag ng maayos ng LTFRB ang tungkol sa plano.

Ngunit ayon sa LTFRB, sisimulan na bago matapos ang taon ang pilot implementation ng programa. Isangdaang modernong jeep ang magsisimulang bumyahe sa Pateros, Taguig at MOA-Pasay kapalit ng mga lumang jeep. Bawat isang unit nito ay nagkakahalaga ng 1.6 million pesos.

Ang halagang ito ay ipapautang ng pamahalaan sa mga driver at operator at babayaran ng  800 pesos per day o 24-thousand pesos per month, bagay na tinututulan naman ng ilang transport group.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,