LTFRB target na ilabas sa susunod na Linggo ang desisyon sa hirit na fare hike

by Radyo La Verdad | September 29, 2023 (Friday) | 1208

METRO MANILA – Ipinagpatuloy kahapon (September 28) ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagding sa fare hike petisyon na inihain ng mga transport group, sa gitna ng mataas na presyo ng langis.

Pero wala pa ring desisyon kung aaprubahan na ang hirit na dagdag-pasahe sa jeep.

Ayon sa LTFRB, kailangan pang magsumite ng mga transport group ng supplemental petition, upang mapalawig sa buong bansa ang hinihiling na fare hike.

At kapag naisumite na ito, muling magpapatawag ang LTFRB ng isa pang hearing sa darating na Martes (October 3).

Ayon sa LTFRB isa sa maaari nang maaprubahan ang hinihinging P1 provisional fare, o pansamantalang dagdag pasahe habang mataas pa ang presyo ng Diesel.

Kung sakaling maaprubahan magiging P13 ang minimum na pamasahe sa mga tradisyunal na jeep mula sa kasalukuyang P12.

Habang magiging P15 naman ang minimum sa modern jeep, mula sa kasalukuyang P14.

Ayon sa Presidente ng Pasang Masda na si Obet Martin, natatagalan na rin sila sa nagiging proseso ng hirit na dagdag pasahe lalo pa’t umabot na sa P17 ang itinaas ng presyo sa kada litro ng Diesel.

Inaasahan sana nila na maaprubahan na kahapon (September 28) ang P1 provisional fare increase.

Gayunman, mas mainam na rin anila ito dahil may pagkakataon pa silang makapagsumite ng supplemental petition para maipatupad sa buong bansa ang dagdag-pasahe.

(JP Nunez | UNTV News)



Tags: