LTFRB, planong i-regulate ang pasahe sa mga School Transport Service

by Radyo La Verdad | June 11, 2018 (Monday) | 4841

Isa-isa ng tinutuklap ng mga tauhan ni Mang Joey ang tint sa bintana ng kanyang school service. Limang libong piso rin ang nagastos niya sa pagpapalagay ng tint. Nanghihinyang lamang si Mang Joey dahil hindi sila nasabihan ng maaga na bawal pala ito.

Kabilang ang sasakyan ni Mang Joey sa ininspeksyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa isang paaralan sa Pasig.

Nais makita ng LTFRB kung nakasusunod ba ang mga ito sa kanilang requirement. Sinusuri ng mga tauhan ng LTFRB kung maayos bang gumagana ang ilaw ng sasakyan, gulong, posisyon ng mga upuan, mga markings, medical kit, fire extinguisher at iba pa.

Lahat ng papasa sa inspeksyon ay mapapahintulutang makapag-parehistro sa Land Transportation Office (LTO).

Bukod dito plano rin ng ahensya na i-regulate ang pasahe na binabayaran sa mga school transport service.

Ayon sa LTFRB, kailangan muna nilang makipag-meeting sa mga school service operator hinggil dito.

Ayon kay Mang Joey, nakikipag-kontrata lamang sila sa mga magulang ng mga bata para sa pasahe.

Itinatakda nila ito depende sa layo at sa uri ng school service na gagamitin, mas bagong sasakyan mas mahal.

Pag-aaralan naman ng mga operator kung papayag sila na ma regulate ang pasahe. Papayag umano sila sa kondisyon na hindi sila malulugi.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,