Kumakalat ngayon sa social media ang post ng isang conversation sa pagitan ng isang pasahero at Grab driver. Kapansin-pansin na tila nagsasagutan ang dalawa sa gitna ng isang ride booking transaction.
Sa usapan, nais ng Grab driver na kanselahin ng pasahero ang kanyang transaksyon, dahil hindi na umano siya makakarating para isakay ito. Subalit tumanggi ang pasahero at iginiit na ang driver ang siyang dapat na magcancel at sinabing nasayang umano ang kanyang oras sa paghihintay.
Nang muling sumagot ang driver, sinabi nito na kakain daw muna siya at tila sarkastikong sinabi na ang pasahero ang dapat na magcancel dahil nagmamadali pala aniya ito.
Agad na nakarating sa pamunuan ng Grab Philippines ang naturang post, kaya’t agad ding sinuspinde ang naturang driver at posibleng hindi na muling payagang makapagmaneho.
Sa pahayag na ipinost ng Grab country head na si Brian Cu, tiniyak nito na hindi nila kukunsintihin ang ganitong asal ng kanilang driver at sinigurong mas hihigpitan pa nila ang pagmomonitor sa performance ng kanilang mga partner operator at drivers.
Samantala, maglalabas naman ng show cause order ang LTFRB laban sa operator ng naturang Grab TNVS upang imbestigahan ang pangyayari.
Bukod sa babala ng Grab, may parusang ipapataw ang LTFRB sa sinomang mga abusado at pasaway na mga TNVS operator o driver.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: GRAB, LTFRB, ride booking cancellations