LTFRB, pinagpapaliwanag ang 2 bus consortiums kaugnay ng kakulangan ng idineploy na bus sa Edsa

by Radyo La Verdad | October 19, 2021 (Tuesday) | 8271

METRO MANILA – Matapos isailalim ang Metro Manila sa Alert Level 3, mahabang pila ng mga pasahero sa edsa busway ang sumalubong sa mga pasahero kahapon (October 19).

Ayon sa LTFRB, 550 bus units ang nakarehistro na maaring bumiyahe sa naturang ruta ngunit may mga bus company na hindi nag-deploy ng tamang bilang ng bus.

“Could be as low as 280 to 300 up to 400 to 450. Hindi mo kailangan ubusin yung 550. But nevertheless, nakita po natin kanina, eh nag-a-average lang ng less than 150 yung dalawang consortium. At the lower end pa nga eh, umabot pa ng as low as 120 if I’m not mistaken.” ani LTFRB Chairman, Atty. Martin Delgra III.

Ayon pa kay LTFRB Chairman Martin Delgra, posibleng may kaugnayan ito sa hindi pagbabayad ng mga bus company sa kanilang mga driver gaya ng ilang ulat na natanggap ng ahensya.

Ito ay kahit nabayaran na ng LTFRB ang mga kumpanya na nasa ilalim ng service contracting program kung saan 30% ng bayad ay dapat mapunta sa mga tsuper.

Nilinaw din ni Atty. Delgra na bagaman may ilang bus companies na hindi pa nababayaran sa ilalim ng mga programa, naibigay na naman ang pondo para dito sa landbank.

Nagkakaroon lamang ng antala sa prosesso ng bangko.

“Today, noon, I have called the attention of landbank again to triple their daily output doon sa pino-process nila yung tinatawag na ada—yung authority to debit account para mapabilis yung pagdedebit ng mga accounts of the amounts of we have given to landbank to be credited.” ani ani LTFRB Chairman, Atty. Martin Delgra III.

Gayunman, naglabas na ang LTFRB ng show cause order laban sa 2 Edsa busway consortiums.

Pinagpapaliwanag ang mga ito kaugnay sa low deployment ng mga bus sa Edsa busway at ang hindi pagbabayad sa kanilang mga driver.

Samantala, inatasan ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang mga opisyal ng DOTR at LTFRB na maghanap ng ibang solusyon sa hiling ng mga transport group na fare increase bunsod sa patuloy na oil price hike.

Ayon kay DOTR Assistant Secretary Mark Steven Pastor, maaring sumali ang mga tsuper at operator sa mga programa ng kagawaran kabilang na ang service contracting.

Nakikipag-usap na rin aniya ang kagawaran sa Department of Energy kaugnay sa pagbibigay ng mga diskwento at fuel subsidy sa mga tsuper.

Plano rin ng DOTr na maghain ng rekomendasyon sa Interagency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na pataasin ang kapasidad ng mga pasahero sa mga PUV.

“The increase will be significant while i could not give you the exact figure po at this point in time dahil ang gusto po ni Secretary Tugade na ang ating magiging proposal sa Iatf ay hindi lamang po based on technical expertise but also yung medical—backed up by medical studies na safe po itong pag-i-increase natin.” ani Department of Transportation Asec. Mark Steven Pastor.

(Jasha Gamao | La Verdad Correspondent)

Tags: ,