LTFRB, patuloy ang inspeksyon sa mga school service sa iba’t ibang paaralan

by dennis | May 25, 2015 (Monday) | 1618

LTFRB INSPECTION

Nagsagawa ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng inspeksyon sa mga school service dito sa Don Bosco School bilang paghahanda sa darating na pasukan sa Hunyo.

Napagalaman ng LTFRB na ilan sa mga school service ay hindi tumutupad sa ilang regulasyon ng ahensya. Dalawa dito ay ang mga over-tinted na bintana, ang ilan naman ay walang individual seat belt sa bawat estudyante, PVC pipe ang ginagamit na exhaust ng ilang sasakyan, kalbo ang mga gulong at ang iba naman ay luma na at pasok sa 15-years old phase out.

Ayon kay LTFRB Chairman Winston Ginez, hindi na nila papayagan ang hirit ng mga operators na pumasada pa ng isang taon ang mga school service na may edad 15 taon pataas dahil pinagbigyan na nila ito noong nakaraang taon.

Sa Hunyo 8, sisimulan na ng LTFRB ang panghuhuli sa mga school service na pasok sa 15 years phase out at papatawan ng P200,000 multa ang mga mahuhuling sasakyan.(Macky Libradilla/UNTV Radio)