METRO MANILA – Kahit pa inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang P12 na minimum fare sa mga jeep, para sa ilang transport group, hindi naman nito natugunan na madagdagan ang kita ng mga driver dahil sa muli nanamang pagtaas ng presyo ng petrolyo partikular na ang Diesel.
Sa nagdaang 2 Linggo, halos P10 na naman ang nadagdag dito.
Bunsod nito, muling naghain ng petisyon ang Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines at Alliance of Concerned Transport Organizations para humiling sa LTFRB ng surge fee o dagdag pasahe kapag rush hour,
Nais ng mga ito na magdagdag ng P1 sa kada kilometrong byahe sa mga Public Utility Jeep (PUJ) at P2 naman sa mga pampublikong bus.
Ngunit ipapataw lamang ito kapag rush hour o mula alas-5 ng umaga hanggang alas-8 ng umaga at mula alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi.
Ayon sa LTFRB, natanggap na nila noong Biyernes ang petisyon ng mga transport group.
Batay sa kanilang opisyal na pahayag, magkakaroon ng inflationary effect o magiging dahilan ng pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo ang panibagong dagdag pasahe na hinihingi ng mga transport group.
Pero isinasantabi muna nila ito upang pag-aralan ang mga puntong nais ilatag ng mga petitioner.
(JP Nuñez | UNTV News)