LTFRB, nanindigan sa pagbabawal sa mga UV Express sa EDSA

by Radyo La Verdad | August 1, 2016 (Monday) | 3068

MON_UV
Mayroong mahigit sampung libong mga Utility Vehicle Express sa buong Metro Manila at nasa dalawang libo dito ang dumadaan sa EDSA araw-araw.

Kaya naman tiyak na maraming pasahero ang maapektuhan sa gagawing pagbabawal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa mga ito sa EDSA simula ngayong buwan.

Ngunit sa kabila nito, nanindigan ang LTFRB sa pagpapatupad ng kautusan at nagbabala na huhulihin ang sinumang lalabag dito.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Martin Delgra, kailangan ito upang maibsan ang lumalalang traffic situation sa main thoroughfare na ito.

Sa gilid ng EDSA ay may terminal ng UV Express at bunsod ng inilabas na memorandum circular ng LTFRB, marami sa mga driver ang ayaw ng magsakay ng pasahero dito sa takot na sila ay mahuli, subalit ang tanong nila, bakit daw sila nabigyan ng prangkisa na may ruta dito kung ipagbabawal naman na dumaan sila ng EDSA.

Bunsod nito, hihilingin ng UV Expresss operators sa LTFRB na ipatigil ang naturang kautusan.

Binigyang diin pa ng LTFRB na hindi rin maaaring basta makakapag-taas ng pasahe ang mga UV Express dahil kailangan pa itong dumaan sa public hearing dahil regulated ang mga ito.

(Mon Jocson / UNTV Correspondent)

Tags: , ,