Nakikikipag-ugnayan na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB sa Land Transportation Office upang maipatupad ang parusang pagpapakansela sa lisensya ng mga pasaway na taxi drivers.
Sa programang Get it Straight with Daniel Razon kanina, sinabi ni LTFRB Chief Martin Delgra III na ito ang nakikita nilang sagot sa kaliwa’t kanang reklamo ng mga pasahero sa mga pasaway taxi drayber.
Kabilang na dito ang mga namimili ng pasahero o di kaya ay nangongontrata sa halip na metro ang basehan sa sisingiling pamasahe.
Ayon sa LTFRB, hindi na nila palalagpasin ang mga ito. Hinihikayat naman ng LTFRB ang publiko na huwag kunsintihin ang mga pasaway na drivers at kung may sapat na ebidensya ng mga paglabag ay ireklamo agad sa kanilang tanggapan.
Sa kabila naman ng mga reklamo sa mga taxi, ayon sa LTFRB binabalak pa rin nilang dagdagan pa ang prangkisa ng mga taxi.
Layon nito na maiwasan ang mga pasaway na driver. Obligadong sumailalim ang mga ito sa Drivers Academy kung saan tuturuan sila ng basic traffic rules, road safety, maging ang anger management at tamang pakikitungo sa mga pasahero.
Plano ng LTFRB na gawin itong requirement bago tanggapin ng taxi operators ang bagong drivers.
(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)
Tags: Get it Straight with Daniel Razon, LTFRB, LTFRB Chief Martin Delgra III