LTFRB, nagbabala laban sa mga transport group na sapilitang nanghaharang ng mga jeepney driver upang lumahok sa tigil-pasada

by Radyo La Verdad | February 6, 2017 (Monday) | 1231


Daan-daang mga pasahero ang stranded kanina bunsod ng isinagawang tigil pasada ng grupong Samahan ng mga Tsuper at Operator sa Pilipinas o STOP Coalition.

Layon ng naturang transport strike na tutulan ang planong pagphase out sa mga lumang pampasaherong jeep na may edad labing limang taon pataas.

Maraming mga pasahero na papasok sa trabaho at eskwela ang naabala, habang ang iba naman ay napilitang umuwi na lamang dahil nahirapan na magcommute.

Ilang tsuper rin ang hinarang kanina ng ibang jeepney driver, upang pilitin ang mga ito na makiisa sa tigil pasada.

Kaugnay nito nagbabala naman ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa mga nasabing grupo na nangha-harass umano ng mga driver upang lumahok sa strike.

Samantala, nakausap na rin ng LTFRB ang presidente at ilang miyembro ng grupong stop and go, kung saan tinalakay ang panukalang jeepney phase out.

Subalit hindi pa rin kumbinsido ang mga ito sa iniaalok na jeepney modernization plan ng gobyerno.

Sa ngayon ay nagdesisyon na ang grupo na pansamantalang itigil ang kanilang transport strike, at sinabing pag-aaralan ang kanilang susunod na kilos-protesta.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: ,