LTFRB, nagbabala laban sa mga driver na naniningil ng sobrang pasahe              

by Radyo La Verdad | March 10, 2022 (Thursday) | 5131

Pagmumultahin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang sinomang mga driver at operator ng mga pampublikong sasakyan na naniningil ng sobrang pamasahe. Ito ang balala ng LTFRB matapos na mapagalaman na may ilan umanong PUV drivers ang nago-overcharge sa mga pasahero dahil hindi pa rin naaprubahan ang hirit na dagdag pasahe ng transport groups.

“Maituturing na overcharging po ang sobrang paninigil po at ang overcharging po ay may penalty kaya po tinatawagan namin yung ating operators at drivers na sana po kung ano lang po yung tamang singil kung ano lang yung naklagay sa fare matrix yun lang po muna ang sisingil sa publiko po,” ani Kristina Cassion, Executive Director, LTFRB.

Paliwanag ng LTFRB, maraming mga bagay ang dapat ikonsidera ng board kaya’t hindi pwede na basta na lamang desisyunan ang hiling na dagdag-pasahe.

“So there are several factors kaya po hindi natin masabi na mabagal dahil inaaksyunan naman po natin at kailangan lang po talaga natin na yung tinatawag nating balancing of interests tinitingnan natin lahat ng aspeto po,” dagdag ni Dir. Kristina Cassion.

Babala ng LTFRB, ang sinomang mahuhuli na nago-overcharging ay papatawan ng multang 5,000 hanggang 15,000 pesos depende kung ilang beses na ang paglabag.

Maaari ring masuspinde o matanggalan ng prangkisa ang sinomang driver at operator na mahuhuling paulit-ulit ang violation.

Samantala, kanya-kanyang diskarte naman ngayon ang mga motorista kung papaano makatitipid sa konsumo ng gasolina at diesel sa gitna ng tumitinding oil price hike.

Ang mga delivery rider, nagpapakarga ngayon sa mga gasoline station kung saan makakakuha sila ng discount. Upang kahit paano ay maibsan ang bigat ng oil price hike, hinihikayat ng pamahalaan ang mga oil company na magbigay ng diskwento sa mga motorista.

Gaya na lamang ng gasoline station na ito sa Quezon City na nagbibigay ng apat na pisong discount sa kada litro ng gasolina para sa mga delivery rider.

“May mga gasolinahan naka-provide kay grab na may discount, yung kumuha kami ng card binigyan kami, katulad ng Caltex meron yan, sa iba naman nagbibigay ng discount, halimbawa clean fuel meron yan,” ayon kay Denis Bohol, delivery rider.

Ang taxi driver naman na si Ely Pingkian, umabot na sa halos dalawang libong piso ang kailangang gastusin kada araw sa pagpapakarga ng gasolina. Kaya imbes na magpaikot-ikot para maghanap ng pasahero, matiyaga na lang siyang pumipila sa terminal para makatipid sa konsumo.

Hindi na rin sya nagbubukas ng aircon at sa halip ay ibinababa na lamang ang bintana ng sasakyan.

“Pag tumatakbo ako, pinapatay ko ang aircon kung wala akong sakay kasi malakas talaga kumain ang makina pagka may hinahatak sya na aircon,” ani Ely Pingkian, taxi driver.

Ayon sa LTFRB, sa ngayon ay hinihintay na lamang rin nila ang pondong magmumula sa Department of Budget and Management para maumpisahan na ang distribusyon ng fuel subsidy program sa mga PUV driver.

JP Nuñez | UNTV News

Tags: ,