LTFRB, itinanggi ang umano’y mabagal na pag-aksyon sa hiling na itaas sa 10-piso ang minimum fare sa jeep

by Radyo La Verdad | May 31, 2018 (Thursday) | 3799

Sa ika-anim na pagkakataon, muli na namang naipagpaliban ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbibigay ng desisyon hinggil sa hirit ng ilang transport group na itaas sa sampung piso ang minimum na pasahe sa jeep.

Muli na namang humiling ng dagdag na panahon ang mga transport group upang ma-amyendahan ang inihain nilang petition sa LTFRB.

Ayon kay Pasang Masda president Obet Martin, nagkaroon aniya ng kalituhan sa hanay ng mga transport group matapos hilingin ng ibang grupo na gawing 12 piso ang minimum fare sa jeep.

Itinanggi naman ng LTFRB na pinatatagal nila ang pagresolba sa isyu ng fare increase.

Samantala, taliwas sa pangkaraniwang reaksyon ng mga pasahero, pabor ang isang commuters group sa hiling ng mga transport group na taasan ang singil sa pamasahe sa mga jeep.

Ayon sa presidente ng National Center for Commuters Safety and Protection na si Maricor Akol, nauunawaan nila ang bigat ng epekto sa mga tsuper at operator ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Subalit para sa grupo, piso lamang ang dapat na fare increase at hindi dalawang piso na siyang hinihingi ng ilang transport group.

Dagdag pa ni Akol, maari namang maglaan ang pamahalaan ng subsidiya para sa mga jeepney driver upang hindi na matuloy ang dagdag pasahe.

Subalit para sa Pasang Masda, lubhang maliit ang pisong dagdag na nais ng mga commuter.

Ayon sa LTFRB, kinakailangan nilang maging maingat sa pag-apruba sa petisyon ng dagdag pasahe, lalo’t aabot sa mahigit tatlong milyong populasyon ang maapektuhan nito.

Muling ipagpapatuloy ang pagdinig sa petisyon sa ika-13 ng Hunyo.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,