LTFRB, itinaas sa 65,000 ang common supply base para sa mga TNVS na papayagang makabiyahe sa Metro Manila

by Radyo La Verdad | February 13, 2018 (Tuesday) | 4946

Sa bisa ng Memorandum Circular Number 2018-005 ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, itinaas sa 65,000 ang bilang ng mga maaring magparehistro bilang  Transport Network Vehicle Services o TNVS sa Metro Manila.

Mas mataas ito sa naunang common supply base ng LTFRB na nasa 45,000 lang. Base ito sa pag-aaral na isinagawa ng third party auditing team na kinuha ng LTFRB upang magsuri kung ilan ang pwedeng makabiyaheng TNVS.

Ayon kay LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada, base sa pinasa ng dalawang Transport Network Company, aabot sa 59 libo ang kabuoang bilang ng aktibong TNVS sa NCR.

Sa kasalukuyan aniya ay nakakapag-accomodate ang mga ito ng nasa 52% ng kabuuang booking demand. Kung kaya’t minarapat na itaas ang cut-off ng TNVS sa Metro Manila. Ikinatuwa naman ito ng Grab at UBER.

Samantala, pagkatapos ng tatlong buwan, pag-aaralang muli ng LTFRB  kung dapat pa na itaas pa ang bilang ng TNVS units higit sa 65 thousand.

 

( Rajel Adora / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,