LTFRB, hinikayat ang mga pasahero na isumbong ang nga transport group na maniningil ng labis na pamasahe

by Radyo La Verdad | January 10, 2018 (Wednesday) | 3999

Hinikayat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang lahat ng mga pasahero na isumbong sa kanilang tanggapan ang sinomang transport group na mananamantala at maninigil ng labis na pamasahe, kasunod ng implementasyon ng tax reform law.

Ayon kay LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada, hindi maaaring magtaas ng singil sa pamasahe ang lahat ng public utility vehicle operators, ito’y matapos makarating sa tanggapan ng LTFRB ang facebook post na ito kung saan makikita ang isang karatula na inaabisuhan ang mga pasahero sa isang terminal ng UV express hinggil sa limang pisong dagdag pasahe bunsod umano ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.

Pinapakunan naman ng larawan ang sign board at plate number o ruta ng mga UV express at agad na isumbong sa kanilang tanggapan ang mga ganitong uri ng pananamantala sa paniningil ng dagdag-pasahe.

Sa ilalim ng Joint Administrative Order Number 2014-1, ang sinomang operator na maniningil ng hindi tamang pasahe ay papatawan ng limang libong pisong multa para sa unang paglabag.

Sampung libo piso, 60 araw na suspensyon at pagbawi ng for hire na mga plaka naman ang katumbas ng ikalawang paglabag, at kanselasyon ng prangkisa sa ikatlong offense.

Ayon kay Atty.Lizada, tanging ang PNTOA at Grab palang ang nakakapagsusumite mg kanilang petititon for fare increase sa LTFRB.

Ngayong araw ay magsasagawa ng special board meeting ng LTFRB, upang talakayin ang petition for fare increase na inihain ng Philippine National Taxi Operators Association at Grab Philippines.

Ayon pa kay Atty.Lizada, posibleng sa Marso pa maglabas ng desisyon ang ahensya hinggil sa hirit na dagdag-pasahe ng ilang transport group.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,