LTFRB, dumipensa sa mga batikos hinggil sa panghuhuli sa mga kolorum na TNVs

by Radyo La Verdad | July 19, 2017 (Wednesday) | 1208


Dumipensa ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa mga pambabatikos kaugnay ng panghuhuli nito sa mga kolorum na Transport Network Vehicle service.

Ayon kay LTFRB Spokesperson Atty. Aileen Lizada, hindi sila ang dapat sisihin kundi ang mga Transport Network Company na lumabag sa mga probisyong nakapaloob sa batas.

Ito ang mariing pahayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa mga bumabatikos sa gagawing panghuhuli sa lahat ng mga colorum na Transport Network Vehicle service simula sa July 26.

Ayon sa ahensya, malinaw na nagkaroon ng mga paglabag ang Uber at Grab sa mga probisyong nakapaloob sa batas, kaya’t sapat ang batayan upang hulihin ang mga TNVs drivers na walang Provisional Authority at Certificate of Public Convinience.

Noong Lunes muling nag-inspekyon ang LTFRB sa ilang opisina ng mga Transport Network Company, at napagalaman na patuloy pa rin sa pagtanggap ng mga bagong aplikasyon ang Uber.

Ito’y sa kabilang ng umiiral na moratorium at multang limang milyong piso.

Sa pahayag naman ng Uber, nangako ito na ititigil na nila ang pagtanggap ng mga bagong aplikasyon at nabayaran na rin ng multang ipinataw sa kanila.

Sa datos ng ahensya, nasa 3700 lamang ang mga TNVs na lehitimong nakarehistro sa LTFRB.

Ngunit sa ulat ng Uber at Grab, mayroon nang mahigit sa limampung libong mga TNVs ang iligal na bumibyahe sa ngayon.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: , ,