LTFRB, araw-araw na magbabantay sa NAIA vs mapang-abusong taxi drivers

by Radyo La Verdad | October 12, 2017 (Thursday) | 2613

 

Nagsagawa ng surprise inspection ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa mga taxi driver sa NAIA Terminal 3.

Bunsod ito ng sunod-sunod na reklamo na kanila umanong natatanggap na marami pa ring mga taxi driver ang nangongontrata sa mga pasahero.

Ang isang taxi driver, nasampulan matapos mangontrata ng pasahero. Sa halip na 200 pesos ang singilin nito gaya ng nasa metro ay P500 ang hiningi umano nito.

Sa pagsisiyasat ng mga kawani ng LTFRB, natuklasan pa na may sira ang metro ng taxi.

Ayon naman sa pasahero na tumanggi nang humarap sa camera, pinagbigyan na lamang niya ito dahil malayo ang Cubao mula sa airport at matanda na ito.

Ayon sa LTFRB, araw-araw na ang kanilang isasagawang inspeksyon sa mga airport taxi.

Payo ng mga ito sa mga pasahero, ugaliing humingi ng resibo sa mga drayber ng taxi at agad ireport ang anomang uri ng pang-aabuso.

 

( Abi Sta. Inez / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,