Ltc. Ferdinand Marcelino, hiniling na i-dismiss ang kasong isinampa sa kanya ng DOJ

by Radyo La Verdad | September 23, 2016 (Friday) | 1064

MARCELINO
Ipinadidismiss ni LtC. Ferdinand Marcelino sa Manila RTC ang kasong possession of illegal drugs na isinampa sa kanya ng Department of Justice.

Sa kanyang inihaing mosyon ngayong araw, iginiit nito na hindi makatwiran ang pagbuhay sa kaso na una nang dinismiss ng DOJ noong Mayo.

Bukod dito, mismong ang Quezon City RTC na rin aniya ang nagsabing mahina ang ebidensiya laban sa kanya kaya’t pinayagan siyang makapagpyansa habang sumasailalim sa preliminary investigation.

Hiniling pa ni Marcelino na ipagpaliban ang pagpapalabas ng arrest warrant laban sa kanya at sa halip ay suriin muna ng Korte kung sapat ang ebidensiya ng DOJ.

Nais din ni Marcelino na ipagpaliban ng korte ang arraignment sa kaso hanggat hindi nareresolba ang kanyang mosyon.

Samantala, handa umano si Marcelino na magsiwalat ng kanyang nalalaman sa mga transaksyon ng iligal na droga.

Ngunit ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre, hindi pa nila masasabi kung gagawin nila itong testigo.

Nag ugat ang kaso ni Marcelino sa pagkakaaresto sa kanya sa isang bahay sa Sta.Cruz, Manila na ginagamit umanong pagawaan ng shabu.

Ngunit depensa ng opisyal, nagtungo siya sa lugar kasama ang asset na si Yan Yi Shuo upang kumpirmahin ang natanggap na impormasyon na may pagawaan doon ng iligal na droga.

Dati na rin kinumpirma ng nbi na nakakatulong nila noon si Marcelino sa malalaking operasyon laban sa iligal na droga.

Sa unang resolusyon ng DOJ, dinismiss ang kaso dahil hindi napatunayang si Marcelino ang may kontrol sa mahigit pitumpung kilog ng shabu na nakumpiska ng mga otoridad.

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

Tags: ,