Ililipat na ng PNP Anti-illegal Drugs Group ng kulungan si Lt. Col. Ferdinand Marcelino at Chinese national na si Yan Yi Shou mula sa Quezon city Jail annex sa Camp Bagong Diwa, Taguig.
Ayon kay PNP-AIDG Legal and Investigation Division Chief P/CInsp. Roque Merdegia Jr., ito’y matapos na ipag-utos ni Judge Lyn Ebora Cacha ng QC RTC Branch 82 ang pansamantalang pagkukulong kay Marcelino sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Sa 5 pahinang resolusyon ni Judge Cacha na may petsang February 18, inatasan nito ang PNP-AIDG at PDEA na ilipat ng detention cell si Marcelino at Yang Yi Shou habang dinidinig ang petition for bail.
Subalit sinabi ni Merdegia na maaari naman itong magbago kapag naisampa na sa korte ang mga kaukulang kaso laban sa dalawa na kinabibilangan ng paglabag sa Sec. 8 (possession of dangerous drugs), Sec. 11 (manufacturing) at Sec. 26 (conspiracy) ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Si Marcelino at Shou ay pansamantalang ikinulong sa BJMP noong January 29 subalit hiniling ng kampo nito na ilipat sya sa NBI o sa Custodial Center dahil sa usaping seguridad.
(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)