Lt. Col. Ferdinand Marcelino, ililipat ng kulungan

by Radyo La Verdad | January 27, 2016 (Wednesday) | 1481

Lt.-Col.-Ferdinand-Marcelino
Limang araw matapos na mahuli sa isang townhouse na ginawang shabu laboratory sa Felix Huertas Sta. Cruz Manila si Lt. Col. Ferdinand Marcelino, ikinulong ito sa detention cell ng Anti Illegal Drugs Group.

Kaya naman todo higpit na ang seguridad sa gate pa lamang ng PNP AIDG.

Hindi basta basta nakapapasok ang mga bisita at tanging abogado, pamilya at kaibigan lamang ang pinapayagan.

May itinakda ring oras ng dalaw ; 2 oras sa umaga , mula alas 9 hanggan alas 11 at 2 oras sa hapon, mula ala-una hangang alas tres.

Sa kabila nito, sinabi ni PNP AIDG Legal and Investigation Division Chief P/CInsp. Roque Merdegia Jr., na nag request na sila sa PNP Custodial Center na doon muna pansamantalang ikulong si Marcelino.

Ito’y habang pinag aaralan ng piskalya kung may probable cause ang reklamong isinampa laban sa kanya na paglabag sa Sec. 8 manufacturing of dangerous drugs, Sec. 11 possession at Sec.26 conspiracy ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

At hanggat wala pang ipinaguutos ang Korte kung saan ito dapat na ikulong. Sinabi ni Merdegia, hindi dapat na magtagal sa kanilang kulungan si Marcelino para na rin sa kanyang seguridad.

Aniya, hindi naka disenyo upang pagkulungan nang matagal ang kanilang detention cell.

Giit pa ni Merdegia, apektado rin ang kanilang trabaho dahil nababawasan ang kanilang pwersa na nagsasagawa ng mga surveillance, dahil kailangan nilang i-recall ang mga ito upang madagdagan ang bantay ni Marcelino.

Kung sakali namang tanggihan ng PNP Custodial Center si Marcelino dahil sa kakulangan ng pagkukulungan ay magre-request din sila sa BJMP sa Camp Bagong Diwa Taguig at sa PDEA upang doon mula pansamantalang ikulong si Marcelino.

Ang mga nabanggit na kulungan ang may pasilidad at kakayahan upang masiguroang seguridad ni Marcelino na bagamat wala naman aniyang banta sa buhay ay mas mabuti na rin ang nag- iingat.

Sinabi ni Merdegia hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin silang natatanggap na certification o kopya ng mission order ni Marcelino na nagbibigay pahintulot dito upang magsagawa ng surveillance at imbestigasyon laban sa ipinagbabawal na gamot.

Subalit aabangan nila kung may maisusumite ito sa piskalya ngayon myerkules sa pagharap sa kanyang preliminary investigation.

(Lea Ylagan/UNTV News)

Tags: