Lt. Col. Allen Capuyan, tumanggap umano ng “tara” at itinuro bilang isa sa mga nagmamanipula sa operasyon ng BOC

by Radyo La Verdad | September 12, 2017 (Tuesday) | 1740

Humarap sa pagdinig kahapon ng Senate Blue Ribbon Committee ang itinuturo ng broker na si Mark Taguba na alyas “Big Brother” na umano’y sangkot sa katiwalian sa Bureau of Customs. Ito ay si retired Coronel at ngayon ay Manila International Airport Authority Assistant General Manager Allen Capuyan.

Ang grupo muna umano ni “Big Brother” ang nilapitan ni Taguba noong Marso upang tulungan siyang mapabilis ang paglalabas ng kaniyang shipment. Ang grupo ni “Big brother” ang pangatlo niyang nilapitan matapos nagkaproblema sa Davao group. Nabigyan na niya aniya ito ng tseke na nagkakahalaga ng isang milyong piso na pinadaan umano kay “Tita Nani.”

Pinabulaanan ni Capuyan na sangkot siya sa katiwalian sa BOC ngunit inaming nakausap si Taguba at “Tita Nani” noong April 2007. Sinabi naman ni Committee Chair Senator Richard Gordon, di pa siya kumbinsido na naging paliwanag ng mga personalidad na isinasangkot sa korapsyon.

Itinakda ang susunod na pagdinig sa September 19 kung saan ilang mga personalidad pa ang pinahaharap sa pagdinig ng komite.

 

(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)

Tags: ,