LRTA tiniyak na hindi pa magtataas ng pasahe sa LRT 1 at 2

by Radyo La Verdad | November 11, 2022 (Friday) | 2519

METRO MANILA – Inihayag ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na mayroong nakabinbing petisyon ang Light Rail Manila Corporation (LRMC) para sa taas pasahe sa LRT line 1.

Batay sa fare hike petition, nasa P5 na boarding fare ang hinihiling ng LRMC.

Habang nasa P1.50 naman ang sa kada susunod na kilometro ng biyahe.

Sa kabila nito, tiniyak ngayon ng LRTA na wala pang plano ang pamahalaan na itaas-singil sa pasahe sa LRT 1 at LRT 2.

Ayon kay LRTA Administrator Attorney Hernando Cabrera mahaba pa ang magiging proseso bago desisyunan  kung papayagan ang dagdag-singil sa mga tren.

Taong 2015 pa nang huling magpatupad ng fare adjustment ang LRT 1 at 2

Ikinokonsidera ng LRTA na  masyado nang mabigat sa mga mananakay kung magtataas sila ng pamasahe lalo pa ngayon na masyadong mataas ang inflation.

Sakaling maaprubahan, magagamit ang dagdag pasahe para sa upgrage at rehabilitasyon ng railway system

Pero kung hindi naman, patuloy pa rin ang magiging subsidiya ng gobyerno para maipagpatuloy ang operasyon ng LRT.

(JP Nunez | UNTV News)

Tags: ,