LRT-2 wala pa ring biyahe Ngayong araw Oct. 7

by Erika Endraca | October 7, 2019 (Monday) | 6587

MANILA, Philipppines – Humingi ng paumanhin at pang unawa sa mga pasahero ang Light Rail Transit Authority (LRTA), dahil wala pa ring biyahe ang LRT-2 ngayong araw (Oct. 7).

Ayon sa lRTA hindi pa nila natapos ang test run at safety checks sa telecommunication system sa linya ng tren kaya’t hindi pa rin ito makakabiyahe.

Sa isang pahayag sinabi ni LRTA General Administrator Reynaldo Berroya, na bagaman ginawa nila ang lahat upang maiayos ang buong sistema. Ipinaliwanag nito na kumplikado ang problema kaya’t hindi pa nila nakumpleto ang pagsusuri sa buong linya ng tren.

Binigyaang diin rin ng LRTA na hindi nila maaring ikompromiso ang kaligtasan ng mga mananakay at hiniling na unawain muna ang sitwasyon sa ngayon.

Bilang ayuda sa mga apektadong pasahero, bus at modernong jeep naman ang bibiyahe mula Santolan Station hanggang Cubao mula alas-5 hanggang alas-10:30 ng umaga.

Nagkakahalaga ang pamasahe ng P12 – P15. Dagdag pa rito ang libreng sakay na handog naman ng MMDA mula alas-7 ng umaga hanggang ala-7 ng gabi. Nauna nang sinabi ng LRTA na posibleng pang abutin ng 9 na buwan bago muling mabuksan ang Santolan,Katipunan at Anonas Stations.

Ito’y dahil kinakailangan pa na magimport ng ilang piyesa mula sa United Kingdom upang maiayos ang nasira sa linya bunsod ng pagsabog ng transformer nito noong nakaraang Linggo.

Sa ngayon ay hindi pa masabi ng LRTA kung kailan tiyak na maibabalik ang partial operations ng LRT-2.
(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,