LPA, nakakaapekto pa rin sa ilang lugar sa bansa

by Radyo La Verdad | November 15, 2018 (Thursday) | 8652

Nakakaapekto pa rin sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao ang low pressure area (LPA) sa Philippine area of responsibility (PAR).

Namataan ito ng PAGASA kaninang alas tres ng madaling araw sa layong 370km sa south southeast ng Puerto Princesa City, Palawan.

Base sa forecast ng PAGASA, makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan ang Palawan, Visayas, Northern Mindanao, Caraga, Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi.

May pag-ulan ding mararanasan sa Batanes, Babuyan group of Islands, Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, at nalalabing bahagi ng Cagayan Valley dahil naman sa epekto ng amihan.

Good weather naman sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa subalit may posibilidad pa rin ng pagkakaroon ng papulo-pulong pag-ulan.

Samantala, isang panibagong bagyo ang namataan ng PAGASA sa layong 2,715km sa silangan ng Mindanao.

Ayon sa ahensya, posibleng sa Sabado ay pumasok na ito ng PAR at papangalanan itong Samuel. Posible ring tumama o mag-landfall ang sentro nito sa Eastern Visayas o Northern Mindanao sa araw ng Martes.

 

Tags: , ,